12 Mag-aaral ng AB History, Opisyal na Ginawaran ng mga Internship Pin

Pinangunahan ng Kolehiyo ng Sining at Edukasyon sa Hustisyang Pangkrimen ang seremonya ng paggawad ng mga internship pin sa labindalawang (12) mag-aaral mula sa Bachelor of Arts in History noong ika-9 ng Agosto, 2025. Ginanap ito sa NDJC Smith Hall, na dinaluhan ng mga tagapangasiwa, guro, mag-aaral, at kanilang mga magulang.
 
Nagsimula ang programa sa isang panalangin na pinangunahan nina Jaser S. Mukarram para sa mga Muslim at Sr. Zenaida Sonsona, OND para sa mga Katoliko. Sinundan ito ng martsa ng SANTATAG Colors, pagkanta ng Pambansang Awit, at Notre Dame Hymn. Si Bb. Joan Genevieve Baga, LPT ang nagsilbing punong abala sa seremonya.
 
Nagbigay ng pangunahing mensahe si Dr. Mitchelle Angeli S. Tarsum, LPT, Pangalawang Pangulo para sa Akademikong Gawain. Kasunod nito ay nagbigay rin ng panghihikayat na mensahe si Dr. Raymond R. Delos Reyes, LPT, Pangalawang Pangulo para sa Administrasyon.
 
Pinangunahan naman nina Bb. Nur-ain L. Sahibil, MAIS at Dr. Mitchelle Angeli S. Tarsum, LPT ang pagpapakilala at pagtanggap sa labindalawang (12) mag-aaral ng Bachelor of Arts in History. Kasunod nito ay ang pagtanggap ng kanilang mga pin na inilapat ng kanilang mga magulang.
 
Bago matapos ang seremonya, nagbigay ng talumpati ng pasasalamat si Ginoong Mohammad Sabri L. Anaron, isa sa mga mag-aaral.
 
Aniya, “Ang pin na suot natin ngayon ay higit pa sa medalya, dahil ito ang simbolo ng bawat puyat at bawat luha—kung may luha mang tumulo sa inyo—bawat bagsak, bawat tapang, at bawat tahimik na dasal na hindi nakita ng iba.”
 
Nag-alay rin ng mga awitin ng pasasalamat ang mga mag-aaral para sa kanilang mga magulang na pinamagatang “Inah Amah” at para sa kanilang pangkat na pinamagatang “One Friend”.
 
Si Bb. Roaysa A. Muharram ay nagbigay ng mensahe bilang kinatawan ng mga magulang.
 
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng panapos na mensahe si Bb. Nur-ain L. Sahibil, MAIS. Mayroon ding presentasyon ng mga bidyo na gawa ng mga mag-aaral at pagkakataon para kumuha ng mga larawan bilang alaala sa seremonya.
✒️: Fatima Hadheaza Mutala
✒️: Fatima Hadheaza Mutala